
Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na manatiling mapagmatyag at huwag agad maniwala sa mga post online ng investment scam na sinasabing may kaugnayan sa ahensya.
Kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang babae, sa ikinasang operasyon ng National Bureu of Investigation (NBI) sa Ermita, Manila noong Martes, Sept. 1.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagpakilala sa social media post ang suspek bilang general manager ng Welfare Employees Multi-Purpose Cooperative at nagre-recruit ng investors, gamit ang umano’y DSWD Notice of Award bilang pruweba na inawardan ng catering services project ang kooperatiba.
Sinabi pa umano ng suspek na kailangan ng karagdagang kapital para sa proyekto at inaalok pa umano ang mga prospect na investors ng 10% hanggang 15% return on investment sa loob ng isang taong kontrata.
Binigyang diin naman ni DSWD Spokesperson and Assistsant Secretary Irene Dumlao hindi nila palalampasin ang nasabing panloloko gamit ang pangalan ng ahensya at makikipag ugnayan umano sila sa mga law enforcement agency para mapanagot ang may pakana ng investment scam.
Paalala ni Dumlao sa publiko, huwag basta-bastang magbibigay ng personal na impormasyon o pera sa mga indibidwal na nagpapakilalang konektado sa DSWD.










