Saturday, August 29, 2026

Visayas Grid, muling itataas sa Red at Yellow Alert Status mamayang hapon at gabi

Muli na namang itataas ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang Red Alert at Yellow Alert sa Visayas Grid ngayong araw, Agosto 29, 2026.

Ipatutupad ang Red Alert mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Samantala, nakatakda namang ipatupad ang Yellow Alert mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.

Muli itong ipatutupad dakong alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Ayon sa NGCP, umabot na sa 13 planta ang kasalukuyang naka-forced outage ngayong Agosto.

Mayroon ding mga plantang hindi pa rin nakakabalik sa operasyon mula pa noong mga nakaraang buwan at taon.

Dagdag pa rito ang 15 plantang tumatakbo lamang sa derated capacity o limitado lamang.

Kabilang pa sa mga dahilan ng pagdedeklara ng alert status ang hindi pagtakbo ng malalaking coal-fired power plants na TVI 1, TVI 2, KSPC 1 at ang emergency shutdown ng PEDC 3.

Nakaapekto rin ang limitadong suplay ng kuryenteng inaangkat mula sa Mindanao.

Ang Red Alert ay idinedeklara kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid habang ang Yellow Alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang suplay upang matiyak ang maayos na operasyon ng grid.

Facebook Comments