
Hindi pinag-uusapan sa Malacañang ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga pribadong motorista o mga kabilang sa middle-income class.
Ito ang paglilinaw ng Palasyo matapos tanungin kung isinasama na rin sa programa ang mga pribadong motorista, kasunod ng pahayag ng administrasyon na tututukan nito ang pangangailangan ng middle-income Filipinos sa natitirang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, pinag-aaralan pa ng administrasyon ang iba’t ibang programa para makatulong sa mga Pilipinong apektado ng mataas na presyo ng langis at pangunahing bilihin dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
Kabilang sa mga unang panukala ang income tax exemption.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi kabilang sa kasalukuyang pinag-uusapan ang fuel subsidy para sa middle-income class.
Sa ngayon, ₱12 kada litro ang fuel subsidy para sa mga tsuper ng jeep at UV Express.










