Friday, September 4, 2026

Cyber crackdown laban sa mga online seller at network na sangkot sa mga pekeng produkto, paiigtingin ng PNP

Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang intelligence at enforcement efforts nito laban sa mga online seller at network na sangkot sa pamamahagi ng mga peke at hindi regulated na produkto na maaaring magdulot ng panganib sa mga mamimili nito

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy silang makikipagtulungan sa kanilang mga katuwang na ahensya partikular na sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at Department of Trade and Industry (DTI) para matukoy ang nasa likod ng ilegal na bentahan at matiyak na sila ay masasampahan ng kaukulang mga kaso.

Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng panawagan ng consumer advocacy group kaugnay ng pekeng produktong ibinebenta sa pamamagitan ng mga e-commerce platform.

Ayon sa grupo, maaaring may nakalalasong kemikal ang mga pekeng gamot, mga beauty product, gayundin ang mga pekeng damit, sapatos, laruan at pabango ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.

Kasama na rin ang mga substandard na electronic device na maaaring pagmulan ng sunog at mga pekeng household adhesive, sealant at construction material na maaaring magdulot naman panganib sa istruktura at sa kalusugan ng mamimili nito.

Hinimok naman ni Nartatez ang mga konsyumer na maging mapanuri at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang online sellers at mga produkto.

Facebook Comments