Thursday, November 12, 2026

VP Sara Duterte, bukod tanging makapagpapaliwanag sa pagiging shareholder niya sa GenCorp na nakasaad sa SALN nito

Tanging si Vice President Sara Duterte lamang ang makakapagpapaliwanag kung bakit niya inilagay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na shareholder siya sa GenCorp Industries Incorporated.

Sa cross examination ni prosecution lawyer Atty. Lorna Kapunan, iginiit ni GenCorp Corporate Counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay na ang “unilateral declaration” ni VP Sara sa kanyang SALN ay hindi nangangahulugan na stakeholder siya ng korporasyon.

Sinabi naman dito ni Atty. Justin Nicol Gular ng defense team, na naunang sinagot na ito ng kanilang testigo na si VP Duterte ay walang interes at hindi stockholder ng korporasyon.

Gayunman, idiniin ni Kapunan na ang paglalagay ni VP Duterte sa kanyang SALN na siya ay shareholder sa GenCorp ay malinaw na admission o pag-amin sa kanyang business interest sa kumpanya.

Samantala, naniniwala naman si Senator-judge Ping Lacson na mabigat na ebidensya at maituturing na pag-amin sa panig ng bise presidente ang paglalagay nito sa kanyang SALN na siya ay shareholder ng GenCorp.

Sinang-ayunan naman ito ni Kapunan dahil ang SALN ay personal na pinanumpaan ni VP Duterte kumpara sa mga impormasyon sa general information sheet ng GenCorp.

Facebook Comments