Wednesday, April 22, 2026

𝗕𝗦𝗞𝗘, 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬 𝗛𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔’𝗧 𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗗𝗘𝗦𝗜𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗞𝗢𝗡𝗚𝗥𝗘𝗦𝗢

CAUAYAN CITY- Muling tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) sa Cauayan City, na tuloy pa rin ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng krisis sa langis na nararansan sa bansa.

Sa naging panayam ng IFM News Team kay Atty. Johanna Vallejo, sinabi nito na bagamat may posibilidad na maipagpaliban ang nasabing halalan, ay kinakailangan pa rin ng pinal na desisyon mula sa kongreso bago ito maisakatuparan.

Dagdag pa niya, nagsasagawa na ng mga hakbang ang kanilang tanggapan upang maiwasan ang kalituhan sa publiko, partikular na sa mga botante. Kabilang dito ang mas pinaigting na paggamit ng social media upang maiparating ang tamang impormasyon hinggil sa eleksyon.

Sa kabila ng usapin ng posibleng pagpapaliban, patuloy naman ang pagdami ng mga rehistradong botante sa lungsod. Batay sa inisyal na tala ng COMELEC Cauayan, dumarami pa rin ang mga nagpaparehistro, tanda ng patuloy na interes ng mamamayan na makilahok sa darating na BSKE.

Patuloy naman na hinihikayat ng COMELEC Cauayan City ang publiko na manatiling updated sa mga opisyal na anunsyo at makilahok sa mga aktibidad kaugnay ng halalan.

Facebook Comments