HOME ALONG DA RILES CAST, BUMISITA SA DAGUPAN PARA SA REUNION MOVIE SHOOTING

Nostalgia at saya ang hatid sa Dagupan City ng pagbisita ng cast ng iconic Filipino sitcom na Home Along Da Riles Para sa shooting ng kanilang reunion movie na Home Along Da Riles: Da Reunion.

Isinagawa ang shooting sa bahagi ng Dagupan City Museum, harap ng City Plaza, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga Dagupeño na makita at salubungin ang tinaguriang Pambansang Pamilya ng Pinas.

Kabilang sa mga bumisita ang ilan sa mga kilalang cast ng programa tulad nina Nova Villa, Claudine Barretto, Smokey Manaloto, Vandolph Quizon, Gio Alvarez, Maybelyn Dela Cruz, Dang Cruz, at Boy2 Quizon, na siya ring direktor ng reunion film.

Pangunahing dahilan ng kanilang pagbisita sa lungsod ang pagkuha ng ilang eksena para sa nasabing pelikula na inaasahang ipalalabas ngayong 2026.

Para sa mga tagahanga, ito ay hindi lang simpleng movie shooting, kundi pagbabalik-alaala sa programang minsang nagbigay ng tawa, aral, at kwentong pampamilya sa maraming Pilipino. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments