Nagbigay-linaw ang PAGASA Dagupan kaugnay sa muling pagtaas ng heat index sa lungsod, matapos maitala ang 41°C noong Abril 16—ang pinakamataas sa buong bansa sa nasabing araw.
Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng PAGASA Dagupan, ang patuloy na maalinsangang init na nararanasan sa Dagupan City at iba pang bahagi ng Pangasinan ay dulot ng umiiral na weather systems sa bansa, kasabay ng epekto ng lokasyon ng lungsod na malapit sa karagatan na nagdudulot ng mas mataas na humidity.
Ipinaliwanag pa ni Estrada na ang kasalukuyang heat index ay nasa kategoryang extreme caution (33°C–41°C), na maaaring magdulot ng mga sakit na kaugnay ng init tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Dagdag pa niya, posibleng maranasan pa ang mas mataas na heat index sa mga susunod na araw, kayat muling pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat at sundin ang mga payo ng ahensya upang maiwasan ang masamang epekto ng matinding init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










