
Cauayan City – Hinihintay pa rin ng mga Jeepney Drivers na namamasada sa Cauayan City ang inaasahan nilang cash assistance mula sa pamahalaan na Ipinangako sa kanila.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Feliciano Miguel, jeepney driver mula Cabatuan, Isabela, sinabi nito na isang buwan na nilang hinihintay ang cash aid na matatanggap nila sa pamahalaan dahil sa nararanasang krisis sa presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, kinuha umano ang kanilang mga gcash number kasama ang kanilang pangalan at ipinasa sa LTFRB sa Tuguegarao City at sinabing darating nalang sa kanilang gcash account ang inaasang tulong, subalit hanggang ngayon ay wala pa ring dumarating.
Samantala, kung hindi nila ramdam ang naunang P20 na rollback sa diesel noong nakaraang linggo, malaking tulong umano ang panibagong P24 na rollback na ipinatupad nitong Martes.
Kahit papaano, hindi nawawalan ng pag-asa si Ginoong Miguel na unti-unting babalik sa dati ang presyo ng diesel kasabay ng pagbalik sa normal ng kanilang kabuhayan.










