
Cauayan City – Nilamon ng apoy ang isang bahay sa Purok 2, Homestead, Bambang, Nueva Vizcaya nitong linggo ng hapon, ika-24 ng Mayo.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Marlon Attaban ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bambang, bandang 4PM ng hapon sa nabanggit na araw nang matanggap nila ang ulat tungkol sa sunog. Agad namang rumesponde ang dalawang fire truck at tuluyang naideklarang fire-out pasado alas-5 ng hapon.
Batay sa imbestigasyon, yari sa konkreto at kahoy ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy at walang gamit na naisalba. Bahagya ring nadamay ang kisame ng katabing bahay ngunit agad itong naapula kaya hindi na lumawak pa ang sunog.
Tinatayang aabot sa P250,000 ang halaga ng napinsalang bahay at mga ari-arian habang patuloy namang inaalam ng BFP ang pinagmulan ng sunog.
Nagpasalamat naman si SFO2 Attaban sa mga residente ng Homestead na agad na nagtulungan upang tumulong sa pag-apula ng apoy bago pa dumating ang mga bumbero.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na tiyaking maayos ang mga koneksyon ng kuryente, tanggalin sa saksakan ang mga appliances na hindi ginagamit, at bantayang mabuti ang mga nilulutong pagkain upang maiwasan ang sunog.
Samantala, nananawagan naman ng tulong ang mga biktima sa publiko upang makapagsimula ulit matapos ang nangyaring insidente.










