
Cauayan City – Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Ilagan City Police Station kaugnay sa insidente ng pamamaril sa isang Indian national businessman.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Colonel Jeffrey Raposas, hepe ng Ilagan City Police Station, nangyari ang pamamaril sa Brgy. Alibagu, Ilagan City noong Sabado, ika-23 ng Mayo.
Dagdag pa ng hepe, katuwang din nila sa pagsasagawa ng imbestigasyon ang ang Regional Intelligence Division at Provincial Intelligence Division, at iba pang mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa trabaho ang biktima at papasok kanyang bahay sakay ng kanyang sasakyan ng mangyari ang insidente.
Nilinaw rin ni Police Lieutenant Colonel Raposas na may tinitignan na silang motibo sa pagpatay sa Indian National subalit hindi muna nila ito isasapubliko upang hindi makaapekto sa imbestigasyon.
Tiniyak din ng kapulisan ang seguridad sa lungsod sa kabila ng insidente sa pamamagitan ng deployment ng additional personnel at pag-adjust sa kanilang patrol plan.
Sa huli, nanawagan ang hepe sa publiko sa kung sino man ang may impormasyon kaugnay sa nangyaring insidente ay maaaring ipagbigay-alam sa kanilang himpilan upang mahuli na ang responsable sa naturnag krimen.










