Monday, May 25, 2026

𝗦𝗘𝗖𝗨𝗥𝗜𝗧𝗬 𝗚𝗨𝗔𝗥𝗗 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗚-𝗔𝗠𝗢𝗞, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Arestado ang isang security guard matapos mag-amok sa mga pulis sa harap ng isang convenience store Maharlika Highway, Brgy. District 1, madaling araw ng Mayo 23, 2026.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jonard”, 26 anyos, isang security guardat residente ng Brgy. Sandiat West, San Manuel, Isabela habang ang biktima naman ay kinilalang si alyas “Romel” 39-anyos, isang marketing salesman at residente ng Bantug Norte, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Batay sa ulat, nagpapahinga umano sa loob ng kanyang sasakyan ang biktima habang bahagyang nakabukas ang bintana nito nang biglang silipin at sampalin umano siya ng suspek ng walang dahilan.

Ayon sa imbestigasyon, pilit ding binuksan ng suspek ang pinto ng sasakyan habang nananakot at nakikipagtalo sa biktima. Dahil dito, humingi ng tulong ang biktima sa pinakamalapit na police outpost.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nagtungo umano ang suspek sa loob ng convenience store at nagwala habang sumisigaw at naghahamon ng suntukan sa mga awtoridad. Sinubukan pa umano nitong suntukin ang bintana ng establisimyento.

Napag-alaman ding nasa impluwensya umano ng alak ang suspek nang arestuhin siya ng mga pulis at dalhin sa himpilan kasama ang biktima para sa kaukulang imbestigasyon.

Mahaharap ang suspek sa kasong physical injury, alarm and scandal, at resistance and disobedience to a person in authority.

Facebook Comments