
Pinaiimbestigahan ng isang senadora ang basta-bastang pagtatapon ng mga labi ng patay na aso at pusa sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa Senate Resolution 759 na inihain ni Senator Loren Legarda, layunin ng pagsisiyasat sa insidente na alamin kung sapat o kung kailangan pang palakasin ang mga batas, ordinansa at mga regulasyon na dapat ditong pairalin.
Pinasisilip ni Legarda ang mga regulasyon sa operasyon ng pet cremation at aftercare services, at pagpaparusa sa hindi sumusunod sa mga patakaran.
Aalamin din ang proteksyon na maaaring makuha ng mga nakipag-transaksyon sa pet crematorium.
Pinasusuri rin ang implementasyon ng mga environmental, sanitation at public health requirements sa handling at disposal ng labi ng mga hayop gayundin ang pagtataguyod ng dapat na koordinasyon ukol dito ng Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, at mga lokal na pamahalaan.










