
Cauayan City -Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 at iba’t ibang yunit ng PNP ang isang umano’y sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Centro Sur, Gattaran, Cagayan.
Kinilala ang nadakip na suspek na si alyas “PJ,” 36 anyos, at residente ng Brgy. Baracauit ng nasabing bayan.
Siya ay nahuli mismo sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad.
Nasamsam mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 0.5 Grams at tinatayang nagkakahalaga ng P3,400, at ang isang paper bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na nasa 500 grams at halagang tinatayang P60,000
Narekober din ang buy-bust money, isang cellphone, at isang motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










