
Binasa sa sesyon sa plenaryo ang dalawang panukalang batas na inihain ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Kahit hindi pumapasok sa Senado ay makikita naman sa records ng Senate Website ang dalawang panukalang batas na pirmado ni Dela Rosa at naihain sa Bills and Index Division nito lamang Mayo 4, matapos na magbalik-sesyon ang Senado.
Ang mga panukalang ito ay ang Senate Bill 2079 o ang pagkakaroon ng centralized record ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa lahat ng crime incidents, lahat ng mga arestado, may mga warrant of arrest at mga wanted.
Ang isa ay Senate Bill 2080 na layong ituring krimen ang foreign interference o pang-i-impluwensya sa political at governmental processes sa bansa para masuportahan ang intelligence activities ng dayuhang gobyerno.
Mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon ay hindi na pumapasok sa mataas na kapulungan ang senador matapos pumutok ang isyu na may arrest warrant ang mambabatas sa International Criminal Court (ICC).










