DALAWANG INDIBIDWAL, NATAGPUANG WALANG BUHAY SA LOOB NG TIRAHAN SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE SA PANGASINAN

Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkasawi ang naitala sa Pangasinan, na kapwa kinumpirma ng mga awtoridad na walang indikasyon ng foul play batay sa paunang imbestigasyon.

Sa San Fabian, bandang 10:30 ng umaga nang matagpuan ang isang 64-anyos na lalaki na wala nang buhay sa tuktok ng kawayan sa kanilang bakuran sa Brgy. Sagud-Bailey.

Ayon sa salaysay, huling nakita ang biktima noong Mayo 2 habang nagpuputol ng kawayan, ngunit hindi na ito muling nakita hanggang sa madiskubre kinabukasan.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection upang tumulong sa pagkuha ng katawan.

Dinala ang biktima sa San Fabian Municipal Hospital ngunit idineklarang dead on arrival. Naniniwala ang pamilya na aksidente ang pangyayari at walang ibang sangkot.

Samantala, sa Rosales, bandang 3:30 hanggang 4:00 ng hapon nang matagpuan ang isang 55-anyos na tricycle driver na wala nang buhay sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Brgy. Zone V.

Ayon sa ulat, ang biktima ay natagpuang nakahiga sa kanyang kama nang walang saplot ng isang kasamahan sa bahay, na agad nag-ulat sa mga awtoridad.

Dinala pa sa isang infirmary sa Brgy. Zone I ngunit idineklarang pumanaw na.

Batay sa impormasyon ng pamilya, dumaranas sa hypertension ang biktima at pinaniniwalaang posibleng stroke ang sanhi ng kanyang pagpanaw. Wala ring indikasyon ng anumang krimen sa insidente.

Patuloy ang pagproseso ng mga ulat ng awtoridad habang kinikilala ang kahilingan ng mga pamilya na igalang ang pribadong kalagayan ng mga nasawi. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments