Tuesday, April 21, 2026

𝗠𝗔𝗜𝗡𝗜𝗧 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗛𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗥𝗔𝗥𝗔𝗡𝗔𝗦𝗔𝗡, 𝗛𝗔𝗠𝗢𝗡 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗡𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗦𝗔𝗗𝗔

Cauayan City – Hamon para sa mga namamasada sa Cauayan City ang mainit na panahong nararanasan ngayong panahon ng tag-init.
Sa panayam ng IFM Newsteam kay Ginoong Fernando Bartolome Sr., sinabi nito na malaki ang epekto ng nararanasang mainit na panahon sa pamamasada ng katulad niyang tricycle driver Lalo na sa kanilang kalusugan.
Upang maiwasan ang posibleng banta ng matinding init sa kanyang kalusugan, madalas ay kalahating araw lamang siyang namamasada sapat o maliit man ang maiuuwing kita.
Ngunit para sa mga driver na walang ibang aasahang mapagkukunan ng pang araw-araw na gastusin, sinabi ni Ginoong Bartolome na marami ang nagtitiis sa matinding init ng panahon para lamang may maiuuwi sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito, ikinatuwa naman ni Ginoong Bartolome at ng iba pang kasamahan nito ang panibagong tapyas sa presyo ng produktong petrolyo dahil kahit papaano ay hindi na tumaaas pang muli ang presyo ng gasulina na siyang isa sa mga pahirap para sa kanila.
Samantala, patuloy naman na umaasa ang mga tricycle drivers sa lungsod ng Cauayan na babalik sa dati ang presyo ng produktong petrolyo upang hindi naman mamatay ang kanilang pangunahing pangkabuhayan.
Facebook Comments