
CAUAYAN CITY – Hindi pa man nakakabawi sa mga nakaraang pagtaas ng presyo produktong petrolyo, panibagong dagok na naman ang kahaharapin ng mga tsuper sa inaasahang oil price hike ngayong linggo.
Sa naging panayam ng IFM Newsteam kay Ginoong Feliciano Miguel, isang jeepney driver, linahad nito ang mga paghihirap na nararanasan dahil sa taas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa kanya, sa kasalukuyang presyo ng gasolina ngayon ay hirap na sila kaya inaasahan niyang mas magiging mahirap pa ang lagay nila pagpalo ng dagdag presyo sa gasolina.
Para makabawi, rumaraket siya kasama ng kanyang asawa sa pagbebenta ng isda bilang pantugon sa pang araw-araw nilang gastusin dahil aniya hindi sumasapat ang kita gayong mahal ang gasolina at mababa ang pasaheng ipinatupad.
Samantala, naglahad naman ng pagkadismaya si Ginoong Feliciano matapos silang pangakuan ng ayuda ngunit hanggang ngayon ay wala parin silang natatanggap.
Dagdag pa niya, dapat ay tulungan din ang mga kagaya niyang tsuper sa hirap na nararanasan nila.










