
CAUAYAN CITY – Tumanggap ng welding toolkits ang 23 benepisyaryo ng Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development mula sa Barangay Cadsalan, San Mariano, Isabela, matapos nilang makumpleto ang pagsasanay sa Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC I.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng Skills Training for Employment Program (STEP) ng Technical Education and Skills Development Authority, katuwang ang DSWD, ang Local Government Unit of San Mariano, at ang Barangay Local Government Unit of Cadsalan.
Layunin ng inisyatibang ito na palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryo sa larangan ng pagwe-welding upang magkaroon sila ng dagdag na pagkakakitaan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kumpletong toolkit, inaasahang maisasabuhay nila ang kanilang natutunang kasanayan at makapagsimula ng sariling hanapbuhay.
Ayon sa mga tagapagpatupad, bahagi ito ng patuloy na programa ng Walang Gutom Program ng DSWD na hindi lamang nakatuon sa agarang ayuda, kundi pati sa pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasanayan at kagamitan sa mga benepisyaryo.










