VOTING CENTER SA LOOB NG MALL PARA SA BSKE 2026, INAASAHAN KASUNOD NG MATAGUMPAY NA MALL VOTING REGISTRATION SA DAGUPAN CITY

Nagtapos kahapon, Abril 29, ang Mall Voter’s Registration na isinagawa sa isang mall sa Dagupan City, na sinimulan noong Pebrero 2026 sa pangunguna ng Commission on Elections Dagupan.

Ayon kay COMELEC Dagupan Supervisor Atty. Frank Sarmiento, naging epektibo ang paglalagay ng registration sa loob ng mall dahil mas napadali ang access para sa mga estudyante at mga kalapit na residente. Dagdag niya, nakatulong ito upang mas marami ang mahikayat na magparehistro sa mas komportableng lugar.

Bagama’t natapos na ang mall-based registration, nilinaw ng opisyal na patuloy pa rin ang operasyon ng COMELEC Dagupan office para sa mga nais magparehistro. Itinakda rin ang Mayo 18, 2026 bilang huling araw ng voter’s registration, kaya hinihikayat ang mga kwalipikadong botante na huwag nang magpahuli.

Samantala, inihahanda na rin ang Dagupan City para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSK) 2026, kung saan inaasahang magkakaroon ng kauna-unahang voting center sa loob ng isang mall sa lungsod, ang una sa Region I, bilang bahagi ng hakbang upang gawing mas mabilis, maginhawa, at accessible ang proseso ng pagboto para sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙬𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments