Cauayan City – Nasampolan ang 16 na gasoline station sa bayan ng Echague matapos magsagawa ng inspeksyon ang Municipal Fuel Monitoring and Enforcement Team (MFMET) kaugnay sa pagpapatupad ng Executive Order No. 07, Series of 2026.
Sa isinagawang monitoring, napag-alamang lumagpas sa itinakdang pump price ng Department of Energy (DOE) para sa March 6 hanggang 9, 2026 ang presyo ng produktong petrolyo na ibinebenta ng mga gasolinahan.
Dahil dito, agad silang binigyan ng Notice of Violation at inatasang tumigil o mag-cease and desist sa mga ipinagbabawal na gawain.
Inaatasan din ang mga may-ari o operator ng mga gasolinahan na magsumite ng kanilang paliwanag sa Office of the Mayor sa loob ng 24 oras.
Ayon sa pamahalaang bayan, ang kabiguang sumunod sa naturang kautusan ay maaaring magresulta sa agarang pagsasara ng establisyemento at pagsasampa ng kaso sa Department of Energy (DOE) at Department of Justice (DOJ).
Hinihikayat naman ang publiko na i-report o i-comment ang anumang kahina-hinalang pagtaas ng presyo o hindi makatarungang gawain sa pagbebenta ng produktong petrolyo upang agad itong maaksyunan ng mga kinauukulan.
Source: Municipality of Echague
