Friday, May 1, 2026

Labor Day protest sa Maynila, naging generally peaceful kahit na bahagyang nagkatensiyon bago matapos ang rally—MPD

Sa kabila ng matinding init ng panahon, nagtipun-tipon ang iba’t ibang grupo sa bahagi ng Kalaw Avenue para magdaos ng kilos protesta ngayong Araw ng Paggawa.

Sa pagdating pa lamang ng mga raliyista bandang alas-11:30 ng umaga ay nagkaroon na agad ng sakitan matapos magtamo umano ng kalmot ang isang pulis.

Tumagal naman ng halos dalawang oras ang Labor Day protest kung saan hindi na tinangka pa na makalapit sa US Embassy dahil sa dami ng mga pulis na naka-deploy para sa seguridad.

Bago matapos ang protesta pasado ala-una ng hapon, bahagyang nagkatensiyon nang sunugin ng mga nagrally ang dala nilang effigy at biglang bumukas ang hose ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay Police Brigadier General Arnold Santiago, District Director ng Manila Police District, aksidenteng bumukas ang hose nang inihahanda ito para hindi kumalat ang apoy.

Isang pulis naman na kumukuha ng video ang bigla umanong hinablot ang phone na hanggang ngayon ay hindi pa raw naibabalik.

Sa kabuuan, sinabi ni Santiago na mapayapa sa pangkalahatan o generally peaceful ang paggunita sa Araw ng Panggawa ngayong May 1.

Samantala, agad na binuksan sa mga motorista ang isinaradong bahagi ng Kalaw Avenue matapos ang isinagawang kilos-protesta.

Facebook Comments