Saturday, May 2, 2026

Pagpapahusay sa sistema, dapat ikasa habang suspendido ang pagkuha ng bagong TNVS drivers at motorcycle taxi riders

Nauunawaan ni House Committee on Transportation Senior Vice Chairperson at 1-Rider Party-list Representative Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez ang desisyon ng Department of Transportation na pansamantalang suspendehin ang pagtanggap ng mga bagong driver at rider para sa Transportation Network Companies (TNCs) at Motorcycle Taxi Pilot Program.

Giit ni Gutierrez sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na samantalahin ang pagkakataong ito upang mapahusay ang sistema kaugnay ng transport network vehicle services at motorcycle taxi operations.

Ayon pa sa mambabatas, mahalaga ring mapalakas ang proteksyon para sa mga rider at driver, at matiyak na tanging mga lehitimong operator lamang ang pinapayagang makabiyahe.

Gayunman, sinabi ni Gutierrez na maituturing lamang na “band-aid solution” ang hakbang ng DOTr dahil sa kawalan ng sapat na batas na sumasaklaw sa sektor.

Dahil dito, iginiit ng kongresista ang agarang pagpasa ng motorcycle taxi law upang maprotektahan ang kabuhayan ng libu-libong motorcycle taxi workers.

Facebook Comments