Friday, May 1, 2026

DALAWANG WANTED PERSONS, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON SA PANGASINAN

Dalawang indibidwal na may kinakaharap na kaso sa batas ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa lalawigan noong Abril 30, 2026.

Unang nadakip sa Binalonan ang isang 34 anyos na lalaki na nagtatrabaho bilang call center agent.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng 104th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 1, kasama ang Binalonan Municipal Police Station at Regional Intelligence Division.

Inaresto ang suspek batay sa warrant of arrest para sa kasong Qualified Theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansang ₱72,000. Kasalukuyan itong nakadetine sa himpilan ng pulisya sa Binalonan.

Sa hiwalay na operasyon sa Alaminos City, naaresto ang isang 38 anyos na lalaki na isang boxing trainer. Pinangunahan ang operasyon ng Alaminos City Police Station katuwang ang Pangasinan Police Provincial Office Intelligence Unit at Regional Intelligence Division ng PRO1.

Inaresto ang suspek sa bisa ng alias warrant of arrest para sa kasong Attempted Murder na may piyansang ₱120,000, at paglabag sa Republic Act No. 9262 na may piyansang ₱80,000. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Alaminos CPS.

Patuloy naman ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments