Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos masamsaman ng 14.88 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Balungao, Pangasinan, nitong Nobyembre 18, 2026.
Ayon sa ulat, isinagawa ng mga tauhan ng Balungao Municipal Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 1, ang operasyon dakong alas-5:20 hanggang alas-6:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na residente ng nasabing bayan.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng 14.88 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱101,184 batay sa standard drug price.
Narekober din ng mga awtoridad ang ₱100 na buy-bust money, sampung piraso ng tig-₱1,000 boodle money, at isang motorized tricycle o kulong-kulong.
Isinagawa sa mismong lugar ang imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakda ng batas.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










