
Cauayan City – Nasa maayos nang kalagayan at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan ang 8-taong gulang na batang nasalpok ng motorsiklo sa Brgy. Minante 2, Cauayan City.
Sa panayam ng IFM Newsteam sa tiyahin ng biktima na si ginang Flora Atolba, sinabi nito na nagtamo ng mga galos sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang bata. Kinakailangan rin umanong sumailalim sa X-ray at CT-Scan ang bata.
Sa kuha ng CCTV Footage, makikita ang biglaang pagtakbo ng bata upang tumawid sa kalsada. Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nakailag ang paparating na single motorcycle dahilan upang mabundol ang bata.
Ayon pa kay Ginang Atolba, katatapos umano ng klase ng bata at nagpasyang umuwi upang magtimpla sana ng juice. Gayunman, nabigla na lamang sila nang mayroong tumawag sa kanila upang ipaalam ang aksidente na kinasangkutan ng kanilang pamangkin.
Samantala, nagkaroon na rin umano sila ng kasunduan ng rider na nakabangga kung saan 75% umano ng magagastos sa hospital ang napagkasunduan na sasagutin ng rider.
Sa kabila ng nangyari, sinabi naman ng Ginang aksidente lamang ang nangyari at wala dapat umanong sisihin.










