
CAUAYAN CITY- Sugatan ang dalawang driver matapos magsalpukan ang isang Isuzu Travis at Mitsubishi Canter sa kahabaan ng Provincial Road, Brgy. Gomez, San Isidro, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Captain Ana Marie Anog, Acting Chief of Police ng San Isidro Municipal Police Station, lumabas sa paunang imbestigasyon na nag-overtake umano ang Isuzu Travis sa sasakyang nasa unahan nito.
Habang isinasagawa ang pag-overtake, nakasalubong nito ang Mitsubishi Canter na nagresulta sa malakas na banggaan ng dalawang sasakyan.
Dahil sa tindi ng impact, nagtamo ng mga pinsala ang dalawang driver. Samantala, nakatalon naman ang pasahero ng Mitsubishi Canter bago tuluyang maipit sa naganap na salpukan.
Agad na rumesponde ang Rescue Team ng San Isidro upang tulungan ang mga biktima. Humingi rin sila ng assistance sa Rescue Team ng Echague na may specialized rescue equipment upang ma-extract ang mga naipit sa loob ng mga sasakyan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng San Isidro Municipal Police Station ang insidente upang matukoy ang iba pang detalye at pananagutan sa nangyaring aksidente.










