
Cauayan City – Nahaharap sa kasong Cyber Liber ang dalawang Anti-Mining Lawyers sa Nueva Vizcaya dahil sa kanilang pagtutol sa pagmimina sa lalawigan.
Gayunman, naglabas ng pahayag ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Nueva Vizcaya Chapter bilang suporta sa kanilang mga miyembrong sina Atty. Fidel Santos at Atty. Edgardo Balgos na siyang nahaharap sa kaso.
Sa isang pahayag, sinabi ng IBP-NV na mahalagang mapanatili ang kalayaan ng mga abogado sa pagtupad ng kanilang tungkulin nang walang takot, pananakot, o panggigipit. Nilinaw naman ng samahan na hindi sila nagbibigay ng opinyon sa merito ng nakabinbing kaso at nananatili silang non-partisan at apolitical.
Ayon pa sa IBP, ang pagrepresenta ng isang abogado sa kanyang kliyente ay hindi nangangahulugang sinasang-ayunan nito ang paninindigan o kilos ng kliyente.
Batay sa subpoena ng Office of the Provincial Prosecutor ng Isabela, ang reklamong cyber libel laban kay Atty. Edgardo Balgos ay inihain ng North Luzon Mineral Resources Corporation, sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 at mga kaugnay na probisyon ng Revised Penal Code.
Inatasan si Atty. Balgos na magsumite ng kanyang counter-affidavit at iba pang ebidensya sa loob ng sampung araw mula sa pagtanggap ng subpoena.
Nanawagan naman ang IBP Nueva Vizcaya Chapter na igalang ang due process at hayaang maresolba ng mga kinauukulang awtoridad ang kaso nang patas at naaayon sa batas.










