Pormal na inilunsad ng Dagupan City Jail-Female Dormitory ang programang “Juana Fit: Move for Wellness, Stand Against VAW” bilang panimulang aktibidad para sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW).
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng Zumba session at motorcade kahapon, November 25, 2026, upang isulong ang kalusugan at kamalayan ng kababaihan laban sa anumang uri ng karahasan.
Ayon kay Focal Person JO2 Kathleen Joy C. Noe ng Dagupan City Jail-Female Dormitory, mahalaga ang naturang programa upang higit na maunawaan ng mga babaeng Persons Deprived of Liberty o PDL ang kanilang mga karapatan bilang kababaihan, lalo na sa kanilang paghahanda sa muling pagbabalik sa lipunan.
Dagdag pa niya, kabilang din sa kanilang mga nakahanay na aktibidad ang pag-iimbita sa iba’t ibang organisasyon upang magsagawa ng mga seminar sa loob ng pasilidad at magbigay ng karagdagang kaalaman sa mga PDL.
Binigyang-diin naman ni JO3 Joyce B. De Guzman-Gad ang kahalagahan ng naturang programa bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan.
Layunin ng programa na itaguyod ang kalusugan at pangkalahatang kapakanan ng kababaihan sa pamamagitan ng pisikal na aktibidad, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman at kamalayan tungkol sa pag-iwas at paglaban sa karahasan laban sa kababaihan.
Nakaangkla ang aktibidad sa temang “UNITED for a VAW-free Philippines,” na nagbibigay-diin sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos upang tuluyang wakasan ang anumang uri ng karahasan at diskriminasyon laban sa kababaihan.
Sa pamamagitan ng programang “Juana Fit,” inaasahang higit pang mapalalakas ang kamalayan ng mga babaeng PDL sa kanilang mga karapatan, kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan, at papel ng bawat isa sa pagtataguyod ng isang lipunang ligtas at malaya sa karahasan laban sa kababaihan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








