
QUEZON, ISABELA — Nauwi sa pagkakaaresto ang ginawang pagresponde ng kapulisan sa isang vehicular accidents a Brgy. Barucboc, Quezon, Isabela nitong unang araw ng Setyembre matapos umanong madiskubre sa bag ng biktima ang isang hindi dokumentadong baril.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Quezon Police Station hinggil sa aksidenteng kinasasangkutan ng isang motorsiklo sa nabanggit na lugar.
Pagdating ng mga pulis, nadatnan nila ang isang lalaking kinilala sa alyas na “Danilo” na nakahandusay sa palayan, katabi ang kanyang motorsiklo. Agad itong binigyan ng paunang lunas matapos humingi ng tulong ang mga pulis sa Quezon Rescue 819.
Habang inaayos ang motorsiklo, napansin ng isang pulis ang backpack na nakasabit sa handlebar at nasira umano dahil sa aksidente. Sa pagtingin dito, nakita sa loob ng bag at nasa plain view ang isang caliber revolver.
Nang hingan ng mga dokumentong nagpapatunay sa legal na pagmamay-ari at pagdadala ng baril, wala umanong naipakita ang lalaki, dahilan upang siya ay arestuhin.
Bukod sa baril, narekober din ang backpack, mga identification card, cellphone charger, wallet, pera at iba pang personal na gamit, gayundin ang motorsiklo na walang plaka.
Dinala naman ang suspek sa Quezon Community Hospital para sa medical treatment at physical examination, habang ang mga ebidensya ay dinala sa Quezon Police Station para sa dokumentasyon kasabay ng paghahanda ng pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa pamamagitan ng inquest proceedings, kasabay ng pagsasagawa ng firearm verification sa nakumpiskang baril.










