Wednesday, September 2, 2026

𝗡𝗔𝗦𝗔 𝟭𝟲 𝗦𝗔𝗞𝗢 𝗡𝗚 𝗜𝗡𝗔𝗔𝗠𝗔𝗚 𝗡𝗔 𝗧𝗜𝗡𝗔𝗣𝗔𝗬, 𝗜𝗧𝗜𝗡𝗔𝗣𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗚𝗜𝗟𝗜𝗗 𝗡𝗚 𝗜𝗥𝗜𝗚𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗕𝗔𝗧𝗨𝗔𝗡

CABATUAN, ISABELA — Umagaw ng atensyon sa social media ang pagtatambak ng tinatayang 16 na sako ng inaamag na tinapay at iba pang basura sa gilid ng isang irigasyon sa Barangay Luzon, Cabatuan, Isabela.

Ayon kay Barangay Kagawad Pablo Balbin, iniulat sa kanilang barangay ang tumpok ng basura na kinabibilangan ng mga sirang tinapay, learning materials at mga supot ng parcel.

Agad itong pinuntahan ng mga opisyal ng barangay at tinalakay ang posibleng hakbang, kabilang ang pagtukoy sa taong nasa likod ng pagtatapon.

Gayunman, nang balikan ang lugar kinabukasan, wala na ang mga sako ng tinapay na pinaniniwalaang kinuha ng mismong nagtapon, habang naiwan ang ilang supot at iba pang basura.

Hinala ni Balbin, maaaring mga dayuhan ang nagtatapon dahil regular umano ang paglilinis ng mga residente sa kanilang lugar.

Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura at huwag gawing tapunan ang mga gilid ng irigasyon o iba pang pampublikong lugar.

Facebook Comments