
Cauayan City – Mas pinalakas pa ng Santiago City National High School (SCNHS) ang pagsisiguro sa seguridad at kapayapaan sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng metal detector sa entry at exit points ng eskwelahan.
Ito ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa loob ng paaralan.
Pinangunahan ni Principal Elmerchita Ribuca kasama ang iba pang opisyal ng paaralan ang pagpapatupad ng seguridad kung saan isinailalim sa inspeksyon ang mga mag-aaral, guro, kawani, at mga bisita bago makapasok sa campus.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang pagpasok ng anumang armas, kontrabando, at iba pang ipinagbabawal na kagamitan na maaaring magdulot ng panganib sa mga mag-aaral at kawani ng paaralan. Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng pamunuan na maprotektahan ang komunidad ng paaralan laban sa karahasan at iba pang banta sa seguridad.
Ayon sa pamunuan ng SCNHS, mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at kaaya-ayang kapaligiran para sa pag-aaral ng mga estudyante.










