
Cauayan City – Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 ang patuloy na mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada sa Cagayan Valley.
Ayon kay Assistant Regional Director Venancio Tuddao, patuloy na isinusulong ng ahensya ang wastong pagpaparehistro ng mga sasakyan, pagkuha at pag-renew ng lisensya, at pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa mga batas trapiko.
Hinikayat din niya ang mga motorista na sumunod sa mga regulasyon upang maiwasan ang multa at iba pang abala.
Samantala, sinabi ni Acting Legal Officer Atty. Precious Bagaluyus na patuloy ang paglalabas ng show cause orders laban sa mga sangkot sa malalaking aksidente sa kalsada.
Sa siyam na major road accidents na naitala ngayong taon, pito na ang naresolba matapos imbestigahan ng ahensya.
Pinalalakas din ng LTO Region 2 ang kanilang mobile caravan program upang mailapit sa mga komunidad ang mga serbisyo tulad ng theoretical driving course, pagproseso ng lisensya, at pagpaparehistro ng sasakyan.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga batas trapiko sa rehiyon.










