
CAUAYAN CITY- Pormal nang ipinakilala sa bayan ng Echague ang Community Dengue Early Warning System (C-DEWS), isang makabagong inobasyon na layong palakasin ang maagap na pagtugon laban sa dengue.
Ang proyekto ay binuo ng Isabela State University katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City, kasama ang Department of Science and Technology (DOST) at Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).
Gamit ang advanced technologies tulad ng deep learning at IoT-enabled ovitraps o OL traps, natutukoy ng sistema ang presensya ng itlog ng lamok na Aedes aegypti—ang pangunahing tagapagdala ng dengue. Ang nakalap na datos ay agad na ipinapadala sa real-time, na nagbibigay daan sa mas mabilis na babala at aksyon ng mga awtoridad at komunidad.
Ayon sa mga eksperto, malaking tulong ang C-DEWS lalo na ngayong papalapit ang tag-ulan, kung kailan karaniwang tumataas ang kaso ng dengue sa bansa. Sa pamamagitan ng sistemang ito, inaasahang magiging mas handa ang mga residente at lokal na pamahalaan sa pagpigil sa pagkalat ng sakit.
Sa mga susunod na araw, nakatakdang isagawa ang opisyal na turnover ng sistema at orientation para sa mga gagamit nito, bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kalusugan at kaligtasan ng komunidad.










