
CAUAYAN CITY-Patuloy na pinaiigting ng Tumauini Municipal Police Station ang ugnayan nito sa komunidad sa pamamagitan ng programang βHepe sa Komunidadβ na idinaos sa Brgy. Lapogan,Tumauini, Isabela.
Pinangunahan ni Acting Chief of Police PMAJ Jojo G. Turingan ang aktibidad na may temang βUsap at Kape: Tulay sa Mapayapang Barangay.β Layunin nitong mailapit ang serbisyo ng kapulisan sa mamamayan at mapalakas ang kooperasyon para sa kapayapaan at kaayusan ng lugar.
Sa kanyang talakayan, binigyang-diin ni Turingan ang mahahalagang batas tulad ng Anti-Cattle Rustling Law (RA 533), pagbabawal sa paggamit ng modified muffler, at ang isyu ng pagmamaneho ng mga menor de edad.
Nagbigay rin ng kaalaman si PMSg Lovely G. Payte, Municipal Community Affairs and Development Police Non-Commissioned Officer in the Philippine National Police (PNP), hinggil sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, kampanya kontra terorismo ng Philippine National Police, at mga safety tips upang makaiwas sa insidente ng nakawan at pagnanakaw.
Ang nasabing aktibidad ay patunay ng kanilang tuloy-tuloy na pagsisikap na mapanatili ang isang ligtas, maayos, at mapayapang pamayanan sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga residente.










