
Pinatawan ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ng preventive suspension ang limang kumpanya ng fertilizer dahil sa umano’y mga paglabag sa mga batas.
Resulta ito ng magkakahiwalay na monitoring operations, at compliance checks na isinagawa ng FPA.
Hindi naman pinangalanan ng FPA ang mga sinuspindeng mga fertilizer manufacturers, distributors, at product registrants.
Ayon kay FPA Executive Director Glenn Estrada, kabilang sa mga paglabag ay ang pagtangging payagan ang legal na inspeksyon ng mga tauhan ng FPA, pagbebenta ng peke at substandard o off-specification fertilizer products, maling paglalabel ng produkto, at hindi awtorisadong paglipat o distribusyon ng mga produktong saklaw na ng Stop Sale, Stop Use, Stop Move, and Hold (SUMS) orders.
Ani Estrada, ilan sa mga kumpanyang sangkot ay lumalahok sa government fertilizer procurement at bidding activities, kabilang ang fertilizer subsidy program ng Department of Agriculture (DA).
Nangako si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na walang puwang sa mga programang pang-agrikultura ang ganitong mga matiwaling gawain na maaring ikapahamak ng mga magsasaka.










