Thursday, September 24, 2026

10-KILOS NA BIGAS, PATULOY NA IPINAMAMAHAGI SA MGA PAMILYA SA SAN CARLOS CITY

Patuloy ang pamamahagi ng *tig-10 kilo ng bigas sa bawat pamilya* ng Lokal na Pamahalaan ng San Carlos City bilang dagdag na suporta sa mga residenteng naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pagbaha.

Kabilang sa mga barangay na nakatanggap ng ayuda sa isinagawang pamamahagi noong Setyembre 16 ang *Malacanang, Anando, Libas, Abanon, Caoayan Kiling, San Juan, Agdao, Polo, Talang, Balococ, Maliwara, Buenglat, Payar, Tayambani, Aponit, Isla at Baldog*.

Saklaw ng programa ang mga pamilya sa *86 na barangay* ng lungsod, bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Ito na ang *ikalawang wave ng pangkalahatang rice assistance* ng San Carlos City. Sa unang pamamahagi, nakatanggap ang bawat pamilya ng tig-2 kilo ng bigas, habang tinaasan ito ngayon sa tig-10 kilo.

Pinangunahan nina Mayor Julier “Ayoy” C. Resuello at Vice Mayor Joseres “Bogs” S. Resuello, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, ang paghahatid ng naturang tulong sa mga residente.

Layunin ng programa na makatulong sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang pansamantalang naapektuhan ang kabuhayan, partikular sa mga komunidad na nangangailangan ng agarang suporta matapos ang pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments