Friday, September 18, 2026

₱170-M ROAD PROJECT, ISINUSULONG PARA PAGDUGTUNGIN ANG PANGASINAN AT BENGUET

Isinusulong ang panukalang ₱170-milyong road project para sa 2027 na layong palakasin ang koneksyon ng mga bayan sa Pangasinan at Benguet sa pamamagitan ng San Manuel–Itogon Road.

Tinalakay sa isang coordination meeting ang planong Construction of Missing Link – New Road, kabilang ang magiging ruta, mga kinakailangang paghahanda at koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at Department of Public Works and Highways o DPWH.

Mula sa Barangay San Roque at Sobol sa San Nicolas, tatawid ang iminungkahing ruta sa mga barangay ng Legaspi, Amistad, Agno at Guzon sa Tayug, bago magtungo sa mga lugar na patungong Itogon, Benguet. Kapag naipatupad, inaasahang mapapadali nito ang biyahe, mababawasan ang travel time at mapapabilis ang pagdadala ng mga produktong agrikultural at iba pang produkto.

Inaasahan din itong magbibigay ng mas magandang access sa mga pangunahing serbisyo at oportunidad pangkabuhayan para sa mga komunidad na madaraanan ng proyekto.

Dumalo sa pagpupulong sina San Nicolas Mayor Alicia Primicias-Enriquez, Tayug Acting Mayor Lorna L. Primicias, mga municipal engineer at opisyal, kinatawan ng tanggapan ni Cong. Primicias-Agabas at mga opisyal ng DPWH.

Gayunman, ang ₱170-milyong proyekto ay panukala pa lamang para sa Calendar Year 2027 at nakadepende pa sa availability ng pondo, kaukulang pag-apruba at iba pang proseso ng pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments