Saturday, September 19, 2026

PBBM, pinagpapaliwanag ang DepEd, DILG, at PNP sa panibagong school shooting incident sa South Cotabato; masusing imbestigasyon, ipinag-utos!

Pinagpapaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng mga hakbang na ginawa para mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.

Kasunod ito ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, na ikatlong nakamamatay na school shooting sa loob ng tatlong buwan.

Inatasan din ng pangulo ang tatlong ahensya na magbigay ng ulat sa mga hakbang na isinagawa matapos ang mga naunang insidente sa Tacloban at Zamboanga.

Iniutos din ni PBBM ang masusing imbestigasyon sa Banga shooting, kabilang ang kung paano nakakuha at nakapasok ang isang menor de edad ng baril sa loob ng paaralan.

Maglalabas naman aniya ang pamahalaan ng dagdag na hakbang para tugunan ang mga kakulangan sa seguridad at mas maprotektahan ang mga estudyante.

Tiniyak ng pangulo ang tulong at gamutan para sa mga nasugatan, at nagpahatid ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Facebook Comments