Labing-isang pulis sa lalawigan ng Pangasinan, kabilang ang provincial director at ilang hepe ng pulisya sa mga bayan, ang inalis sa kanilang puwesto at agad na inilipat sa ibang assignment matapos masangkot umano sa ilegal na larong jueteng.
Epektibo ang reassignment noong April 27, kung saan dinala ang mga opisyal sa Police Health and Administrative Unit o PHAU sa Camp Crame.
Sa opisyal na pahayag, nilinaw ng Police Regional Office 1 o PRO 1 na ang naturang hakbang ay bahagi ng standard operating procedure ng Philippine National Police.
Ayon sa tanggapan, agad ding nagtalaga ng mga kapalit na opisyal upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo publiko at hindi maaantala ang operasyon sa mga apektadong himpilan.
Kasabay nito, tiniyak ng pamunuan na magsasagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng isyu, bilang bahagi ng pagpapanatili ng accountability at transparency sa hanay ng kapulisan.
Iginiit din na nananatiling prayoridad ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, habang patuloy na isinusulong ang mas mabilis, tapat, at maaasahang serbisyo para sa publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










