Nakatuon sa kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan ang isinagawang ikalawang public hearing sa San Fabian para sa panukalang “Curfew for Minors Ordinance.”
Layunin ng ordinansa na magtakda ng curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw para sa mga menor de edad, bilang hakbang upang maprotektahan sila sa posibleng panganib sa gabi at maiwasan ang pagkakasangkot sa mga insidente o gawain na maaaring makasama sa kanilang pag-unlad.
Sa naturang pagdinig katuwang ang Committee on Laws at Committee on Peace and Order, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na patakaran para sa proteksyon ng kabataan.
Tiniyak ng mga opisyal na ang mga hakbang na ito ay isasagawa nang may paggalang sa karapatan ng mga kabataan at nakatuon sa kanilang kapakanan, hindi sa pagpaparusa.
Dinaluhan ang public hearing ng iba’t ibang stakeholder, kabilang ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, kinatawan ng mga barangay, at iba pang sektor ng komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










