1,297 SOLO PARENTS SA DAGUPAN, TUMANGGAP NG TIG-₱3,000 HONORARIUM

Umabot sa 1,297 solo parents mula sa lahat ng 31 barangay sa Dagupan City ang tumanggap ng tig-₱3,000 honorarium para sa Hulyo, Agosto at Setyembre ngayong taon.

Isinagawa ang pamamahagi ng pinansyal na tulong noong Oktubre 13 sa City Plaza bilang bahagi ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga solo parent sa lungsod.

Kasabay ng pamamahagi, pinayuhan din ang mga solo parent na maghanda sa posibleng epekto ng Super El Niño at gabayan ang kanilang mga anak sa pagbabasa.

Ipinaalala rin sa kanila ang SAFEnet initiative ng lungsod na nagpapahayag ng mensaheng hindi sila nag-iisa at may maaaring lapitan kapag nangangailangan ng tulong.

Kaugnay nito, mayroon nang bagong opisina ang mga solo parent sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Mayroon ding Solo Parent Desks sa City Mayor’s Office at City Health Office kung saan maaaring ilapit ang kanilang mga katanungan at pangangailangan.

Nagtulungan sa aktibidad ang City Treasury Office at Solo Parents Federation sa pamumuno ng focal person nitong si Ms. Roma Ulanday, kasama sina Mr. Jeffrey Domantay at Mr. Rowan Manaois ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), na naghatid ng mga paalala at paghahanda laban sa posibleng epekto ng Super El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments