
Sa kabila ng masamang lagay ng panahon nagsagawa ng press conference ang iba’t ibang grupo sa tapat ng Manila City Hall.
Ito’y para manawagan sa City Prosecutor’s Office, mga hukom, Manila Police District (MPD) at kay Manila City Mayor Isko Moreno sa agarang pagpapalaya sa mga nakakulong nilang kasamahan.
Giit ng All Workers Unity, labag sa batas ang ginawang pag-aresto at pagkulong sa kanilang mga kasamahan na tanging ang ginagawa ay pagpapahayag lamang ng kani-kanilang saloobin.
Bukod dito, binigyang-diin din ng grupo ang pagtatanggol sa karapatan ng maralitang sektor kung saan dapat ay may malinaw na proyekto para sa disenteng tirahan, sapat na pagkain, kabuhayan, malinis na tubig at maayos na serbisyo ng kuryente.
Kinuwestiyon din nila ang mga programang maaaring magbanta sa mga komunidad, lupang agrikultural at kalikasan, kabilang ang pagtatayo ng mga data center na may kaugnayan sa Pax Silica.
Muli naman silang magsasagawa ng malawakang kilos protesta sa darating na November 30, 2026 o Bonifacio Day.










