Saturday, May 2, 2026

17 indibidwal, arestado sa ilegal na pagre-rebrand at pagsasalin ng LPG sa Caloocan City

Arestado ng mga operatiba ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang 17 mga empleyado ng isang kumpanya sa isinagawang operasyon sa isang compound sa Tullahan Road, Brgy 163, Sta. Quiteria, Caloocan City.

Sa bisa ng search warrant kasama ng representative ng isang kilalang gas station, nadiskubre ang isinasagawang rebranding ng ilang mga basyo ng LPG at ang umano’y ilegal na pagre-refill.

Ayon kay Clint Lirado, representative ng Petron, nakita nila sa lugar ang kanilang mga basyo na nire-repaint ng kulay ng nasabing brand ng LPG na sinalakay.

Narekober sa lugar 40 piraso ng LPG Cylinders, Gasulette 2.7 Cylinders, 17 weighing scale na may hose, dalawang piraso ng refilling hose na naka-attach sa isang truck, tractor head at isang compressor.

Posible namang maharap sa kasong paglabag sa RA 11592 o LPG Industry Regulation Act partikular ang ilegal na pagre-refill at rebranding ang mga nasabing suspek.

Tumanggi namang magsalita ang kinatawan ng nasabing kumpanya para magbigay ng kanilang panig.

Facebook Comments