Saturday, May 2, 2026

US Embassy, pinaiiwas ang mga American national na magtungo sa mga bulubunduking bahagi ng Leyte, Mindoro, Negros at Samar dahil sa presensiya ng NPA

Inabisuhan ng US Embassy sa Maynila na umiwas sa ilang lugar na may presensiya ng New People’s Army (NPA).

Ayon sa embahada, partikular dito ang mga bulubunduking lugar sa Leyte, Mindoro, Negros, at Samar na idineklara nilang areas of heightened concern.

Kamakailan lamang kasi ay may mga naitalang engkwentro sa naturang mga lugar at may mga namatay.

Una nang nagbabala ang US Embassy sa Maynila sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas na huwag makipag-ugnayan sa NPA.

Sa abiso na inilabas ng embahada, ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng Pilipinas at Estados Unidos.

Paalala ng embahada, ang sinumang American national na mapalapit o maiugnay sa grupo ay maaaring maharap sa panganib tulad ng pag-aresto, pagkasugat, o pagkamatay.

Ayon sa US Embassy, may mga insidente ng recruitment sa Pilipinas at hinihikayat ang mga dayuhan na sumali.

Ang iba naman ay hinihingian ng pinansiyal na suporta para sa mga armadong grupo.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga banyaga mula sa naturang bansa na umiwas sa anumang kahina-hinalang aktibidad at agad umalis sa lugar kapag may nakasalubong na armadong indibidwal na hindi bahagi ng mga otoridad.

Facebook Comments