
Isinulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na mapalawig sa 10 araw ang kasalukuyang 5 araw na minimum annual paid leave benefit ng mga manggagawa sa bansa.
Nakapaloob ito sa inihain ni Yamsuan na House Bill 6602 na layuning mabawasan ang stress at burnout sa trabaho ng mga manggagawa upang higit silang maging produktibo at manatili sa kompanya.
Nananawagan si Yamsuan sa mga kasamahang mambabatas na pagtibayin ang panukala na maituturing na belated Labor Day gift sa mga manggagawa.
Katwiran ni Yamsuan, ang kasalukuyang 5-day annual paid leave o Service Incentive Leave (SIL) na nasa ilalim ng Labor Code ay sinimulang ipatupad 50 taon na ang nakalipas at hindi na akma sa kasalukuyang pangangailangan para makamit ang work-life balance.
Sa ilalim ng batas, ang hindi nagamit na SIL ay maaaring i-convert sa pera.










