
Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong May ay nakatakdang bumuo ang Kamara ng bagong prosecution team sakaling matuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Manila Second District Rep. Rolando Valeriano, itutulak niya na maging bahagi ng bagong prosecution team sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno na kapwa nasa hanay ng minorya sa Kamara.
Tiwala si Valeriano na mas mapapalakas ang impeachment prosecution team kung mapapabilang dito sina De Lima at Diokno.
Diin ni Valeriano, si Atty. Diokno ay de-kalibreng abogado na may kahanga-hangang talino, karakter, at mahusay na karanasan sa paglilitis, habang si Atty. De Lima naman, na dating senador at nagsilbing kalihim ng Department of Justice (DOJ), ay may malalim na kaalaman sa prosekusyon at pag-unawa sa sistema o proseso sa Senado na siyang tatayong impeachment court.
Bukod dito, nais din ni Valeriano na manatiling bahagi ng prosecution team sina Representatives Lorenz Defensor ng Iloilo at Joel Chua ng Maynila.










