
Patuloy ang pagkalampag ng grupo ng mga tsuper dito sa southern Metro Manila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil karamihan pa rin sa kanila ang hindi nakakatanggap ng P5,000 na fuel subsidy.
Ayon kay Wilfredo Cano, vice president ng Mabini-Divisoria-Baclaran Jeepney Operators and Drivers Association (MDBAJODA), tatlo pa lang sa halos 100 nilang miyembro ang nakatanggap ng ayuda.
Aniya, kumpleto naman ang kanilang requirements at nasa listahan naman ng DSWD ang kanilang mga pangalan na kuwalipikadong makakuha ng fuel subsidy.
Ilang linggo na rin aniya ang lumipas at pababa na ang presyo ng diesel kayat nangangam silang baka hindi na makuha ang subsidiya na para naman talaga sa mga PUV drivers.
Kung maalala, nagbigay ang pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD ng fuel subsidy sa mga tsuper na apektado ng giyera sa Middle East matapos sumipa noong mga nakaraang linggo ng halos P150 ang presyo ng kada litro ng diesel.










