
Kinumpirma ng Tarlac Police Provincial Police Office (PPO) na positibong nang nakilala ng kanilang mga kaanak ang dalawang taong natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang sasakyan sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Southbound, Brgy. San Francisco, Victoria, Tarlac noong June 17.
Ayon sa officer-in-charge ng Tarlac PPO na si PCol. Harry Lorenzo III, mariing hinihiling ng mga pamilya nila na igalang ang kanilang desisyong panatilihing pribado ang nasabing insidente.
Anila, nais nilang magkaroon ng sapat na panahon, katahimikan, at pribadong espasyo upang makapagluksa.
Dahil dito, hinihikayat ng pulisya ang publiko na umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na at maaari itong magdulot ng dagdag na sakit at pasanin sa mga naiwang mahal sa buhay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.










