Monday, June 15, 2026

Tagapagsalita ng Chinese Embassy, muling pinalagan ng PCG kasunod ng banta kay Defense Sec.Teodoro

Muling pumalag ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa pagpataw ng sanctions ng China kay Defense Secretary Gilbert Teodoro.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, hindi dapat kalimutan ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei na nanatili siya rito sa bansa bilang guest o panauhin.

Sinabi ito ni Tarriela kasunod ng pahayag ni Guo na pagbabayaran ng sinuman ang kanilang aksyon sa mga tangkang pagsira sa relasyon ng Pilipinas at ng China.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG, iginigiit lamang ni Teodoro ang karapatan ng Pilipinas sa sariling karagatan na pinagtibay ng 2016 Arbitral Award.

Sumang-ayon naman si Tarriela sa pahayag ni Guo na nakikilala ang isang tao sa mga sinasamahan nito.

Mas mabuti aniyang tingnan kung sino ang binobomba ng tubig ang mga barko ng Pilipinas, binabangga ang mga sasakyang pandagat at isinisisi pa pagkatapos sa bansang nagtatanggol sa sarili nilang teritoryo.

Facebook Comments